640_renatopuno_2019_03_23_15_53_44

Mga Pilipino mulat na sa isyu ng pederalismo —ex-CJ Puno

“Segun sa pangangailangan ng bansa, sa pagkakaiba ng mga lengguwahe, kultura at relihiyon sa iba’t ibang rehiyon, angkop sa Pilipinas ang pederalismo bilang porma ng pamamahala.”

Ito ang pahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno nang siya ay magsalita sa forum ukol sa “Shift to Federalism: Its Impact on Philippine Politics, Business, and Economy” na inorganisa ng Philippine Christian University Alumni Association Inc. (PCUAAI).

Mabuti na lamang ay “unti-unting nagbubukas ang mga mata natin sa mga ‘advantage’ ng pederalismo,” ani Puno sa wikang Filipino.

Si Puno, na siyang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tagapangulo ng binuo nitong Consultative Commission on Charter Change, ang pangunahing tagapagsalita sa nasabing forum na ginanap sa loob ng Auditorium ng PCU sa Taft Avenue, Malate, Maynila.

Aniya, hindi na bago ang ideya ng pederalismo sa Pilipinas dahil isinulong na ito ng pambansang bayani na si Gat Jose Rizal bago pa siya ginawang martir ng mga mananakop na Kastila, na napalayas ng mga Amerikano bago pa man naglipat ng ika-20 siglo.

Noon pa man ay nakita na umano ni Rizal na nababagay sa bansa ang pederalismo bilang porma ng pamamahala dahil ito’y isang arkipelago o binubuo ng maraming isla ang Pilipinas kaya’t iba’t iba ang mga lengguwahe at kultura ng mga tao dito. 

Idiniin ni Puno na bagama’t pederalismo ang porma ng gobyerno ng Estados Unidos, hindi ito ang ipinatupad ng huli sa Pilipinas kundi isang estado lamang o “unitary form of government.”

“Bakit? Dahil kung ‘unitary’ ang Pilipinas ay mas madali tayong makokontrol ng Estados Unidos,” paliwanang ng dating Punong Mahistrado.

Aniya, ilang pagkakataon na ang pinalampas ng bansa upang mag-pederalismo. Ito umano ay nangyari nang isulat Konstitusyon noong 1937, nang baguhin ito noong 1973 sa ilalim ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at ang huli ay noong 1987 sa ilalim ng President Corazon Aquino matapos ang EDSA Revolution.

Tahasang idineklara ni Puno na “hindi karapat-dapat” ang kasalukuyang anyo ng pamahalaan.

Sinabi niya na noong huling eleksyon ng pagka-Pangulo, si Duterte lamang ang nagdeklarang pabor siya sa pagbabago ng porma ng pamamahala patungong pederalismo. Dahil “landslide” ang pagkakahalal kay Duterte, posible umanong karamihan na sa Pilipino ang pumapayag sa panukala ng Pangulo na pederalismo.

Ngayon umano ay nasa kamay na ng Kongreso ang “draft” ng panukalang pederalismong isinulat ng consultative body.

Ayon umano sa kanilang isinulat, magiging maayos ang pulitika at ekonomiya ng Pilipinas kung ito’y sakaling papasa sa Kongreso.

Ibinunyag niyang ang isa sa nais nito’y ang mabuwag ang “political dynasty,” na aniya’y “number one problem ng Pilipinas.”

Hindi umano magkakaroon ng maayos at pantay-pantay na distribusyon ng kapangyarihan sa 16 na rehiyon kung hindi masosolusyunan ang problema sa “political dynasty.”

“Kailangan ay may equal access to public offices,” aniya.

Kapag maayos na ang “sharing of power,” aniya, “sisigla ang ekonomiya sa mga rehiyon.”

Minungkahi rin ng komisyon ni Puno na mabuwag ang mga monopolyo at oligopolyo “upang mabago ang kasalukuyang sistema kung saan kakaunti ang mayayaman at napakarami–at patuloy na dumarami–ang mahihirap.”

“Nasaan na ba ang demokrasya ngayon?” tanong niya.

Maliwanag aniya na ang may malaking malaki sa kasalukuyang sistema kaya’t makabubuti sa Pilipinas ang lumipat na sa pederalismo bilang istilo ng pamamahala. —LBG, GMA News

Photo by Fort Nicolas

Please follow and like us:
Tags: No tags

Comments are closed.